Senior high school teacher, patay sa saksak

Thea Omelan, ABS-CBN News

Posted at Mar 13 2017 04:24 PM

TABACO CITY - Patay dahil sa pananaksak ang isang guro sa Tabaco City, Albay.

Duguan nang matagpuan sa kanyang bahay si Jordan Averilla Biyernes ng madaling araw. Naisugod pa ito sa ospital ngunit binawian din ng buhay.

Naaresto naman ng mga pulis ang suspek sa pananaksak na si Patrick Biñas, isang security guard sa isang mall sa Tabaco City.

Kinilala ni Jerome Averilla, kapatid ng biktima, ang suspek. Nakita umano nila itong papaalis ng bahay ng biktima nang oras na matagpuan ang biktima.

Giit naman ni Biñas, hindi niya kilala si Averilla at natutulog siya sa kanyang bahay nang mangyari ang krimen.

Dagdag pa ni Jerome, halos isang taon na ring pabalik-balik si Biñas sa bahay ni Averilla. Hindi na umano siya nagtanong dahil kampante siyang kaibigan naman ito ng kanyang kapatid.

Ayon pa sa kanya, kung pera ang kailangan ng suspek ay iyon na lamang sana ang kinuha at hindi na pinatay ang kapatid.

Isang magaling na guro ang biktima ayon sa kanyang mga estudyante. Bago ang krimen ay nag-aayos na rin umano ito ng kanyang mga dokumento para ma-regular bilang senior high school teacher.

Ayon sa pamilya ng biktima, bukod sa perang ninakaw ni Biñas ay ninakaw rin niya ang magandang kinabukasan ng kanilang kapatid, maging ang pagkakataon nitong makapagturo pa sa mga bata.

Bukod sa pagtuturo sa senior high school ay nagtuturo rin sa kolehiyo ang biktima.