PatrolPH

4,578 bagong COVID-19 cases naitala, pinakamataas sa 6 na buwan

ABS-CBN News

Posted at Mar 12 2021 06:44 PM | Updated as of Mar 13 2021 12:39 AM

4,578 bagong COVID-19 cases naitala, pinakamataas sa 6 na buwan 1
Eksena sa Sta. Cruz, Maynila noong Marso 10, 2021 bago ipatupad ang lockdown sa lugar. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA (UPDATE) — Nakapagtala ang Pilipinas ngayong Biyernes ng 4,578 bagong kaso ng COVID-19, ang pinakamataas na arawang bilang sa loob nang 6 na buwan.

Dahil dito, sumirit na sa 611,618 ang kabuuang dami ng nagpositibo sa sakit, at 52,012 dito ay nananatiling aktibo, sabi ng Department of Health. 

Umabot naman sa 12,694 ang bilang ng mga nasawi sa sakit matapos makapagtala ng 87 bagong pagkamatay.

Nakapagtala din ng 272 bagong recoveries kaya nasa 546,912 ang gumaling sa sakit. 

Kasabay ng pagdami ng naitatalang kaso ay ang pagpapatupad muli ng iba't ibang restriksiyon, tulad ng curfew, sa maraming lugar partikular na sa Metro Manila. 

Nauna nang sinabi ng OCTA Research Group na posibleng may kinalaman ang iba't ibang variant ng COVID-19 virus sa nakikitang pagdami ng kaso.

'LAGPAS-DOBLE'

Watch more News on iWantTFC

Ayon sa OCTA Research Group, umabot na umano sa mahigit 1,500 ang weekly average ng bagong COVID-19 cases sa Metro Manila noong nakaraang linggo.

Pero bagaman nakatutok ang mga tao sa NCR, nakikitaan din ng pagtaas ang Calabarzon at Central Luzon regions.

Sa analysis ng ABS-CBN Data Analytics team gamit ang DOH data, nasa 141 percent o mas malaki pa sa doble ang itinaas ng mga kaso ng COVID-19 sa NCR nitong huling 2 linggo. 

Tinitingnan ngayon ng DOH ang iba’t ibang dahilan ng pagtaas ng kaso, kasama na ang mga mas nakakahawa umanong variants.

Malaki rin umanong problema ang hindi pa rin pagsunod sa health protocols ngunit mayroon ding iba pang nakikitang sanhi ng pagkalat ng sakit. 

"Nakita natin itong home quarantine ang mga tao hindi na nailagay sa facilities for isolation or quarantine. Maaaring sa kagustuhan ng pami-pamilya pero ngayong nakikita natin ang pagtaas ng mga kaso, kailangan nating paghigpitan ito para di na siya maka-contribute dito sa pagkalat," ani DOH spokesperson Maria Rosario Vergeire. 

Nakikita ring problema ang hindi maayos na ventilation o daloy ng hangin at mga protocol sa pagpasok sa mga establisimyento.

Dahil sa pagtaas ng mga kaso, problemado ang iba’t ibang ospital.

"'Yun pong ICU namin ang almost puno na," ani Philippine General Hospital spokesperson Dr. Jonas del Rosario.

—May ulat ni Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.