Sevilla Bridge isasara simula gabi ng Marso 14

ABS-CBN News

Posted at Mar 12 2020 05:01 PM

Isasara simula gabi ng Sabado, Marso 14, ang Sevilla Bridge para bigyang daan ang Skyway Stage 3 project, sabi ngayong Huwebes ng opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ang Sevilla Bridge ay nagdudugtong sa Shaw Boulevard sa Mandaluyong at P. Sanchez Street sa Santa Mesa, Maynila.

Mula alas-10 ng gabi ng Sabado hanggang alas-5 ng madaling araw ng Linggo isasara ang buong tulay, ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia.

Pero simula alas-5 ng madaling araw ay bubuksan umano ang isang lane ng tulay na papuntang Maynila. Tatagal umano ang ganoong sistema nang isang buwan o hanggang Abril 14.

Mula naman Abril 14 hanggang Mayo 14, magiging two-way na ang tulay pero tig-isang lane lang, ayon kay Garcia.

Inaasahang matatapos ang proyekto alas-11 ng gabi ng Mayo 14.

Posible raw maapektuhan ang hanggang 40,000 motorista sa pagsasara ng Sevilla Bridge kaya ipinayo ng MMDA ang paghahanap ng alternatibong ruta.

Tingin naman ng MMDA ay hindi gaanong magdudulot ng matinding trapiko ang pagsasara ng tulay dahil kasabay ng Skyway project ang summer vacation.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.