Dead-on-the spot ang biktimang kinilalang si Jose Roel Ticse, engineer, habang kritikal ang driver nitong si Roberto Arizo sa ambush nitong Huwebes. Screengrab
MAYNILA — Patay ang isang engineer matapos siyang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Barangay Bahay Toro, Quezon City nitong Huwebes ng umaga.
Sa kuha ng CCTV sa Road 20, makikita ang isang lalaki na paalis ng kaniyang bahay alas-8 ng umaga.
Sumakay siya sa kaniyang sasakyan pero hindi pa nakuhang makaabante, hinarangan na ito ng motorsiklo na may sakay na 2 lalaki.
Bumaba ang 2 at pinaulanan ng bala ang sasakyan sabay takas.
Dead-on-the spot ang biktimang kinilalang si Jose Roel Ticse, engineer, habang kritikal ang driver nitong si Roberto Arizo.
Mailap naman magbigay ng pahayag ang mga residente sa lugar. Hindi pa rin tukoy ng pulisya ang motibo sa pamamaril.
"Titingnan natin kung ito ay work-related, personal o may threat sa buhay ng biktima. Kasama sa iniimbestigahan kung nag-file ito ng threat assessment," sabi ni Police Lt. Col. Benjamin Gabriel, hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Station 3.
Nagsasagawa na ng back tracking ang mga tauhan ng QCPD para matugis ang mga salarin.
—Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, krimen, ambush, pananambang, Quezon City, TV PATROL, TV PATROL TOP