PatrolPH

ALAMIN: Mga batas ukol sa pag-post ng retrato, video ng iba nang walang paalam

ABS-CBN News

Posted at Mar 12 2020 01:11 PM | Updated as of Mar 12 2020 01:26 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Kalimitang nagba-viral sa social media ang ilang post kung saan tampok ang mga tao, gumagawa man ng mabuti o masama, na kadalasan ay wala nilang pahintulot. 

Pero may nilalabag bang batas ang magpo-post ng mga ito nang walang paalam? 

Ayon sa abogadong si Noel Del Prado sa programang "Usapang de Campanilla," depende ito sa intensiyon ng uploader. 

Isa sa maaaring pananagutan ay ang paglabag sa Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act. 

Dito kasi pinaparusahan ang paninirang-puri sa social media, o tinatawag na cyber libel. 

"Ang mga nagpo-post at inirereklamo, ang ikinakaso sa kanila 'yung libel o paninirang-puri. Dito may elemento na [sirain] ang character ng pino-post," ani Del Prado. 

Sakali namang kuhanan ng retrato o video ang pribadong parte ng katawan ng isang tao nang walang pahintulot at ipakalat ito sa social media, maaaring managot sa Safe Spaces Act ang suspek. 

"Halimbawa ang iyong post ay mayroong bahid ng naturang sekswal, may pagka-gender based online violence at isa dito ang tinatawag na paglabag sa Safe Spaces Act," ani Del Prado. 

"Eto 'yong pagkuha ng picture o video sa maseselang bahagi ng tao babae man o lalaki, genitals, dibdib, pubic area, at puwitan." 

Maaari pang patungan ng paglabag sa Anti-Voyeurism Act kapag namboso o nag-install ng mga camera ang isang tao sa mga lugar na may "reasonable expectation of privacy" gaya ng mga banyo. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.