Truck bumangga sa center island sa Maynila; Abad Santos Street isinara

ABS-CBN News

Posted at Mar 12 2019 08:05 AM

MANILA - Pansamantalang isinara ang bahagi ng Abad Santos Street sa Tondo, Maynila matapos bumangga sa center island doon ang isang double trailer truck na may kargang 7 malalaking concrete post o pilote. 

Naaksidente ang truck malapit sa Ospital ng Tondo sa southbound lane ng kalsada. 

May 2 driver ang naturang sasakyan, kabilang ang pangunahing driver sa harap at driver sa likod. 

Ayon kay Nestor Patawaran, driver sa likod, bigla siyang nasilaw dahil sa isang kasalubong na sasakyan kaya nakabig niya ang truck at nabangga sa center island.
 
Halos tumagilid ang likurang bahagi ng truck at nahulog ang mabibigat na kargo nito sa kalsada. 
 
Natakot naman ang mga residente at tricycle driver sa lugar dahil sa pag-aakalang matatamaan sila ng mga nalaglag na pilote. 

Dahil sa aksidente, pansamantalang isinara ang southbound lane ng Abad Santos. Inaasahang bibigat ang trapik sa lugar lalo't mahihirap ang paghatak ng double trailer truck. 

Papunta sana sa isang construction site sa Pasay ang truck nang maaksidente. 

Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.