SAPUL SA DASHCAM: Traffic enforcer, muntik makabangga ng pedestrian

Hernel Tocmo, ABS-CBN News

Posted at Mar 12 2019 07:49 PM

DAVAO CITY - Nakunan ng video ang pag-overtake ng isang traffic enforcer na nakamotorsiklo Lunes ng hapon sa may Leon Garcia street, sa labas lang ng Magsaysay Park sa Davao City.

Pagdating ng motorista sa pedestrian lane, muntik na itong bumangga sa tumatawid na lalaki, kaya napaatras ito.

 

Kinikilala na ng hepe ng City Transport and Traffic Management Office ang traffic enforcer na nasa video.

"Once nga mo-approach ka og pedestrian, dapat mo-caution na ka. kato nagpaturatoy man, hapit gyud niya maigo ang kuan," ayon kay Dionisio Abude, CTTMO head.

(Kung malapit ka na sa pedestrian lane, dapat magbantay ka. Yung humaharurot, muntik talagang makabangga.)

Dismayado ang ilang motorista dahil anila, kailangang maging mabuting ehemplo sa pagsunod ng mga batas trapiko ang mga law enforcer.

Ayon kay Abude, bibigyan nila ng leksyon ang enforcer at posible pang masuspinde para madisiplina na rin.

Disyembre 2016 nang ipinatupad sa Davao City ang Anti-Jaywalking Ordinance kaya marami na ang tumatawid sa mga pedestrian lane. Ang mga lumalabag sa ordinansa ay pagmumultahin ng P100.

Reklamo naman ng mga pedestrian, hindi sila hinihintuan ng mga sasakyan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.