MAYNILA (UPDATED) - Napatay nitong madaling araw ng Martes ang sinasabing pinakamalaking suplayer ng party drugs sa National Capital Region (NCR) matapos umanong manlaban sa operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Nakaengkuwentro ng mga taga-PDEA ang suspek na si Steve Pasion sa ikatlong palapag ng isang condominium sa Doroteo Jose, Maynila, ayon kay Joel Plaza, director ng PDEA-NCR.
Itinakbo sa ospital si Pasion pero binawian din ng buhay.
Nakuhanan si Pasion ng higit P300,000 halaga ng umano'y shabu at ecstasy.
Nakuha rin ang isang balot ng shabu at hinihinalang liquid ecstasy sa condominium unit ni Pasion, na hinalughog sa bisa ng search warrant.
Arestado naman ang nobya ni Pasion na kasama nito sa sasakyan nang mangyari ang engkuwentro.
Natuklasan ng mga awtoridad na kasama sa mga parokyano ang 2 artista, ayon kay PDEA Special Enforcement Service Director Levi Ortiz.
May-ari si Pasion ng franchise ng isang restoran at doon umano niya pinadadaan ang pera galing sa ilegal na droga, ayon kay Ortiz.
Iniimbestigahan na rin ng PDEA ang 2 artistang kliyente umano ni Pasion.
- Ulat nina Jeck Batallones at Jekki Pascual, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog news, encounter, shootout, death, fatality, pusher, peddler, supplier, drugs, party drugs, shabu, ecstasy, Manila