Magkapatid na preso pumuga sa PNP detention cell sa Samar

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Mar 12 2019 03:19 PM

Armed and dangerous. Ito ang pagsasalarawan ng pulisya sa magkapatid na preso na nakatakas mula sa Calbiga Municipal Police Station detention cell. Larawan mula sa Police Regional Office 8

CALBIGA, Samar - Nakatakas ang magkapatid na preso mula sa detention cell ng Municipal Police Station ng nasabing bayan, Lunes ng gabi.

Ayon sa Samar Police Provincial Office, alas-7:40 ng gabi tumakas si Roel Mabahin, 22, at kapatid nitong si Rodel, 19.

Si Roel ay may kasong carnapping, habang robbery with frustrated homicide naman ang kinakaharap na kaso ni Rodel.

Tinangay pa ng dalawa sa kanilang pagtakas ang tatlong M16 rifle, isang 9mm pistol at cellphone mula sa estasyon ng pulisya, wallet ng isang pulis, at bandolier na may magazine ng baril.

Kinuha din ng mga ito ang isang motorsiklo na nagsilbing getaway vehicle.

Kinuha pa nila ang isang non-uniformed personnel ng police station sa kanilang pagtakas pero mabuti na lamang at nakaligtas ito.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang awtoridad sa pangyayari habang tinutugis na rin ngayon ang takas na mga bilanggo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.