Lalaki tiklo sa umano'y tangkang panghahalay sa Spanish national sa Palawan

ABS-CBN News

Posted at Mar 12 2019 05:07 PM

Inaresto ang isang lalaki na tinangka umanong manghalay ng isang Spanish national sa bayan ng El Nido sa Palawan nitong Lunes. 

Kinilala ang suspek na si Melencio Tamon Cahiling, 43, na tinangka umanong manghalay sa 30 anyos na Spanish national. 

Ayon sa mga awtoridad, alas-2 ng madaling araw noong Marso 11 nang ipakilala ang biktima sa suspek sa isang bar. 

Dito umano inalok ng suspek ang biktima na magpalipas ng gabi sa kaniyang bahay. 

Pero pasado alas-4 ng madaling araw ay bigla umanong pinatungan, hinalikan, at hinawakan sa maseselang bahagi ng katawan ng suspek ang biktima na natutulog nang mangyari ang insidente. 

Nanlaban ang biktima kaya sinakal at tinutukan umano ito ng kutsilyo ng suspek at pinagbantaan na papatayin. 

Tumakas ang biktima at nakalabas sa bintana at agad na nagsumbong sa pulis kasama ang isang kaibigan. 

Kakasuhan sana ng attempted rape ang suspek pero nagpasya ang biktima na huwag na itong kasuhan. -- Ulat ni Lynette De Leon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.