Bahagi ng Estrella Service Road isasara simula Marso 23: MMDA

ABS-CBN News

Posted at Mar 12 2019 05:14 PM

Isasara sa loob ng 2 taon ang bahagi ng Estrella Service Road sa Makati para bigyang daan ang patuloy na reconstruction ng Estrella-Pantaleon Bridge, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). 

Sinabi ngayong Martes ni MMDA General Manager Jojo Garcia na simula Marso 23, isasara ang bahagi ng Estrella Service Road palabas ng J.P. Rizal Avenue mula Gumamela Street.

Tinatayang aabot sa 500 motorista kada oras ang maapektuhan umano sa pagsasara sa naturang kalsada.

Isinara noong Enero ang Estrella-Pantaleon Bridge para bigyang daan ang paggawa ng bagong tulay. Inaasahang tatagal din ng 2 taon ang proyekto. 

Nilinaw din ni Garcia na papayagang makadaan ang mga motorista mula J.P. Rizal papasok ng Rockwell.

Para magkaroon ng alternatibong daan ang mga motorista, magsasagawa umano ng clearing operation ang MMDA sa mga kalsada malapit sa Estrella Service Road.

-- Ulat nina Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.