6 na magkakamag-anak patay sa sunog sa Isabela

ABS-CBN News

Posted at Mar 12 2019 04:01 PM

Na-trap umano ang magkakapamilya sa kusina ng bahay habang sinusubukang tumakas sa sunog. Larawan mula sa Bureau of Fire and Protection - Santiago

Kalunos-lunos ang sinapit ng anim na miyembro ng isang pamilya kabilang ang dalawang bata sa Santiago City, Isabela nang mamatay sa nasunog nilang bahay sa Barangay Plaridel sa siyudad nitong Martes. 

Pasado alas-3 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa isang bahay. Tumagal ng isang oras bago naapula ng mga bombero ang sunog.

Hindi nakalabas ng bahay ang mga nakatira na kinabibilangan ng dalawang bata na edad 5 at 3, kanilang mga magulang, at mga kamag-anak na pawang mga menor de edad din. 

Natagpuan ang kanilang mga katawan sa kusina.

Sa paunang imbestigasyon ng Bureau of Fire and Protection sa Santiago, nagsimula ang sunog sa harap ng kanilang bahay.

Sinubukan din daw lumabas ng mga biktima sa likod ng bahay, pero masyado na umanong makapal ang usok kaya hindi na nila nagawang buksan pa ang pintuan sa likod at tuluyang na-trap sa kusina.

Hinihinalang na-suffocate ang mga biktima dahil hindi naman nasunog ang kanilang mga damit at katawan.

Malaki ang hinala ng BFP na nagsimula ang sunog dahil sa kuryente. 

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng awtoridad. -- Ulat ni Darlene Ballad, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.