PatrolPH

3 tiklo sa buy-bust sa hotel sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Mar 12 2019 05:53 AM

MAYNILA - Arestado ang 3 lalaki sa buy-bust operation sa isang hotel sa Guadalupe Nuevo, Makati City Lunes ng gabi.

Nakuha sa grupo ang nasa 50 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P250,000.

Ikinasa ang operasyon laban kay Jay Fermin, 30 anyos, na dating nakulong sa kasong frustrated homicide.

Ayon kay Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City police, ginagamit umano ng grupo ni Fermin ang hotel para doon magbenta at magtarya.

"Nagche-check in sila kasi pakiramdam nila mas secured sila," aniya. "Kapag may bibili na, pupunta lang doon sa kuwarto."

Dinampot din ng mga pulis ang umano'y runner ni Fermin at drayber ng grupo. Itinanggi nilang sangkot sila sa pagtutulak.

"Gumagamit lang po ako," pahayag ng mga suspek.

Mahaharap sila sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. - Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.