Sundalo patay sa sagupaan vs NPA sa Kalinga

ABS-CBN News

Posted at Mar 12 2018 07:47 AM

Iniinspeksyon ng isang sundalo ang lugar kung saan nagbakbakan ang mga hinihinalang rebelde ng NPA at mga miyembro ng 50th Infantry Battalion. Larawan mula sa Kalinga police

BALBALAN, Kalinga - Patay ang isang sundalo matapos makabakbakan ng kaniyang tropa ang nasa 20 miyembro ng New People's Army sa bayan na ito, Linggo ng umaga.

Nagpapatrolya ang 50th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Sitio Gesang, Poblacion nang biglang magpaputok ang mga rebelde, sabi ni Brigadier General Leopoldo Imbang Jr., kumander ng unit.

Gumanti aniya ng putok ang mga sundalo sa mga rebeldeng nagtago 25 metro mula sa isang guard post. Tumagal nang nasa 20 minuto ang bakbakan, kung saan nagpasabog pa ng granada ang mga rebelde.

"One of our troops unfortunately ended as casualty," ani Imbang.

Gayunman, tiniyak ng opisyal na magpapatuloy ang pag-alalay ng mga sundalo sa mga programa ng lokal na pamahalaan at pagbibigay ng seguridad sa mga residente, katuwang ang pulisya.

Pinaigting na aniya ang mga checkpoint sa Balbalan habang patuloy na iniimbestigahan kung saan nagmula ang mga rebelde.

Ulat ni Marianne Claire Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.