Sereno, iginiit na di magbibitiw kahit nanawagan ang ilang katrabaho

ABS-CBN News

Posted at Mar 12 2018 07:30 PM | Updated as of Jan 10 2020 05:54 PM

Watch more in iWantTFC

Minaliit ng naka-indefinite leave na si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang panawagang magbitiw siya sa puwesto na nanggaling sa iilang organisasyon lang umano sa loob ng hudikatura.

Sa harapan ng kaniyang supporters sa ilalim ng Coalition for Justice, binigyang diin ni Sereno na apat na organisasyon lang sa hudikatura ang tumiklop umano sa pamumulitika.

Nakalulungkot aniyang ito ang sukli sa pakikipaglaban daw ni Sereno para sa kasarinlan ng hudikatura.

“I would like to address the call for resignation made by the Philippine Judges Association president Felix Reyes, and four out of 15 other judges associations and employees union. It is very sad for the institution that some judges and employees, whose independence I have fought very hard to defend, have succumbed to pressures to enter the political fray,” ani Sereno.

Nagsalita si Sereno sa University of the Philippines Diliman sa harapan ng kaniyang supporters mula sa Makabayan Bloc, Silent Majority, The Outstanding Women in the Nation’s Service, Every Woman, Citizens Action Against Crime, Movement Against Tyranny, Youth Act Now at UP student council.

Paulit-ulit ding nanindigan si Sereno na hindi siya magbibitiw sa puwesto at haharapin niya ang nakaambang impeachment trial sa Senado.

Lahat ng supporters ni Sereno ay nakikiisa sa kaniya na impeachment case lang dapat ang magtuloy-tuloy.

Hindi rin umano naaayon sa Konstitusyon ang petisyong quo warranto na inihan ni Solicitor General Jose Calida na layong ipawalang-bisa ang pagkakatalaga kay Sereno.

PANAWAGANG MAGBITIW

Muling nagsagawa ng "Red Monday" ang ilang tauhan ng Korte Suprema bilang pakikiisa sa 13 mahistradong pumabor sa pagliban ni Sereno sa Korte. 

Karamihan sa mga mahistradong dumalo sa flag-raising ceremony ay naka-pulang kurbata.

Nagkaisa kasi ang Philippine Judges Association (PJA), ang pinakamalaking grupo ng mga hukom sa buong bansa; Philippine Association of Court Employees na kinabibilangan ng higit 25,000 empleyado ng hudikatura; Supreme Court Employees Association (SCEA); Supreme Court Assembly of Lawyer Employees; at Sandiganbayan Employees Association sa panawagang mag-resign na dapat si Sereno.

Nilagdaan ng mga pinuno nila ang dalawang pahinang manifesto na binasa sa flag-raising. 

"Kami, ang buong puwersa ng Hudikatura, na kinabibilangan ng mga huwes, opisyal, at mga kawani sa ilalim ng inyong pamamahala, ay nakikiusap sa inyo, mahal naming Punong Mahistrado, Maria Lourdes P. A. Sereno, upang gawin na ang napapanahon at nararapat na pagsasakripisyo para sa ating Hudikatura, ang lnstitusyon na inyong pinaglaanan ng panahon at pagmamahal ng mga nakalipas na taon. Kami po ay nananawagan, para na rin po sa kapakanan ng buong Sambayanang Pilipino, na kayo po ay bumaba na sa puwesto at magbitiw bilang Punong Mahistrado o Chief Justice," saad ng bahagi ng pahayag.

Itinanggi rin ng presidente ng SCEA na may namilit sa kanila sa panawagang magbitiw si Sereno.

Sabi pa ng PJA, nagbotohan pa sila kaugnay sa isyung paghiling ng pagbibitiw ni Sereno.

Nito lang weekend, kumalat pa sa social media ang pahayag ng ilang miyembro ng hudikatura para igiit ang kanilang kalayaan bilang sangay ng gobyerno.

Ayon naman sa Palasyo, dapat na ring ikonsidera ng punong mahistrado ang serye ng panawagan para sa kaniyang pagbibitiw.

“I guess it’s up to her. We left the decision to her. No one can force her to resign if she doesn’t want. However, I think the sentiment even of the lower court judges have been made known, and we can only hope that the Chief Justice will take all these sentiments into consideration,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque. 

Watch more in iWantTFC

SERENO VS. ENRILE

Kung mauuwi man sa impeachment ang kaso ni Sereno, kakaharapin niya bilang bahagi ng prosecution panel si dating Sen. Juan Ponce Enrile na siyang namuno bilang presiding judge sa impeachment court na nag-convict kay dating Chief Justice Renato Corona.

Nag-volunteer si Enrile bilang adviser ng prosecution team, ayon kay House justice committe chairman Reynaldo Umali.

"He has signified his availability to be a volunteer as part of the prosecution panel," ani Umali. "He is a constitutionalist, one of the leading legal experts of the country so we want to gain from his experience."

(Nagsabi si Enrile na puwede siyang maging bahagi ng prosekusyon. Isa si Enrile sa nangungunang ekspertong legal sa bansa at gusto naming matuto sa kaniyang karanasan.)

Ayon pa kay Umali, marami ring abogadong nagtanggol noon kay Corona ang nagboboluntaryo para maging bahagi ng prosekusyong sasagupain ni Sereno sakaling matuloy ang impeachment trial.-- Ulat nina Adrian Ayalin at Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.