OFW sa Kuwait, 'pinaso, ginulpi' ng among naalatan sa luto

ABS-CBN News

Posted at Mar 12 2018 08:44 PM | Updated as of Jan 10 2020 05:09 PM

Watch more in iWantTFC

Isang Pinay household service worker (HSW) sa Kuwait ang umano’y bugbog-sarado at pinaso pa ng among pulis dahil lang sa sumablay na putahe.

Kuwento ng Pinay na si Bretchie Lyn, pinagmalupitan siya ng among isang airport police dahil lang sa aniya'y maling timpla ng kaniyang niluto noong Marso 5.

Pinaso-paso raw siya ng amo gamit ang lighter.

"Natikman po niya 'yong luto ko na maalat, 'yon po sinunog po iyong balat ko ng lighter... dito po sa katawan ko. Ginanu'n po iyong uniform ko at saka dito po sa may kamay," ani Bretchie Lyn.

Pero hindi raw iyon ang unang beses na sinaktan siya ng amo.

Isang araw bago pasuin ng lighter, ginulpi rin daw si Bretchie Lyn ng kaniyang amo nang hindi agad makipaglaro ang HSW sa anak ng employer.

"Iyong ginamit 'yong pansandok ng sabaw. Pinalo-palo po," sabi ni Bretchie Lyn.

Tubong Siquijor ang 27 anyos na si Bretchie Lyn, may asawa at apat na anak. Dumating siya sa Kuwait nito lang Enero.

Isang kababayan ang tumulong kay Bretchie Lyn nang makita siya sa isang palaruan kasama ang amo.

Kinuhanan si Bretchie Lyn ng video sa loob ng restroom, saka ipinost iyon ng nag-aalalang kababayan sa Facebook.

Nag-viral ang post noong Marso 9.

Kinabukasan, sinagip ng mga kinatawan ng Philippine Embassy sa Kuwait si Bretchie Lyn.

Desidido si Bretchie Lyn na kasuhan ang kaniyang amo. Suportado rin si Bretchie Lyn ng kaniyang agency.

Sa gitna ng umiiral na deployment ban sa Kuwait, patuloy ang pagdami ng mga HSW na nagpapa-rescue. 

Mahigit 30 rescue cases ang natatanggap ng embahada araw-araw. Nagpadala na rin ng augmentation team ang Department of Foreign Affairs para tumulong.

Sa ngayon, higit 1,000 na ang distressed overseas Filipino workers (OFW) na kinakalinga sa Philippine Overseas Labor Office-Overseas Workers Welfare Administration shelter sa Kuwait.

Pawang mga biktima ng iba-ibang klase ng pang-aabuso ang mga OFW na naroon sa shelter.

Nakatakda namang magpulong ang mga kinatawan ng Kuwait at Pilipinas para talakayin ang nakabinbin na pirmahan ng memorandum of understanding sa deployment at proteksiyon ng mga Pinoy HSW sa Kuwait.

Nito lang Pebrero, kasabay ng deployment ban sa mga bagong hire na OFW papuntang Kuwait, nagimbal ang bayan sa sinapit ng Pinay na si Joanna Demafelis na natagpuan sa loob ng isang freezer sa Kuwait.

Hinihinalang isang taon nang patay si Demafelis nang matagpuan ang kaniyang bangkay.

Nahuli kamakailan ng mga awtoridad ang mag-asawang Lebanese at Syrian na employer ni Demafelis at mga suspek sa pagkamatay ng OFW.

Sa gitna naman ng umiiral na ban, hiniling ng ilang OFW sa Kuwait na huwag naman sanang pigilan maging ang pag-alis ng Pinoy skilled workers papuntang Kuwait.

Pero nararapat din umanong huwag munang paalisin ang mga Pinoy na magiging HSW sa Kuwait hangga't hindi napipirmahan ang kasunduang mangangalaga sa kanilang kapakanan habang nagtatrabaho para sa dayuhang amo.

Sa ngayon, inaaral na ng gobyerno kung puwedeng ipadala sa Singapore at Cyprus ang mga Pinoy HSW na dapat sana'y patungo na sa Kuwait.

-- Ulat ni Maxxy Santiago, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.