Larry Gadon, Etta Rosales, nagkainitan sa forum

ABS-CBN News

Posted at Mar 12 2018 09:36 PM | Updated as of Mar 12 2018 09:51 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Nagkaroon ng tensiyon nitong Lunes sa isang forum sa Maynila matapos magkasagutan sina Atty. Larry Gadon at dating Commission on Human Rights Chairperson Etta Rosales hinggil sa isyu ng pagpapasibak kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Inanunsiyo kasi ni Gadon na sa tulong ng umano'y supermajority sa Kamara ay uusad ang isinampa nitong impeachment complaint laban kay Sereno.

"Makakarating sa Senado 'yan," sabi ni Gadon.

Huwebes nang lumusot sa House justice committee ang impeachment complaint laban kay Sereno.

Dahil sa mga binitawang pahayag, napahirit si Rosales.

Biglang tumaas ang boses ni Gadon nang sumagot ito at tinawag pang "komunista" si Rosales.

"Ugali niyo 'yang mga komunista kayo eh... na kapag nagsasalita, nagpapaliwanag iyong iba, nagbu-butt in kayo," ani Gadon.

Dinala ng moderator ang talakayan sa ibang paksa at nagtanong hinggil sa mga kontrobersiyal na pahayag ng Pangulo.

"You don't say those things, feed them to the crocodiles... shoot them in the vagina," ani Rosales.

Nagbitiw naman ng mga side comment si Gadon.

"Dapat patayin ang mga komunista na 'yan," sabi ni Gadon.

May ilan pang nakaabang na tanong pero tinapos na ang forum dahil sa tensiyon.

Bumanat muli sa labas ng forum si Rosales sa mga pahayag ni Gadon hinggil sa umano'y makukuhang boto sa impeachment ng punong mahistrado.

"Manghuhula nga ba siya... sa Quiapo na lang siya," sabi ni Rosales.

"Then he started to equate human rights advocates to communists, so that's his problem," aniya.

Hindi na nagpansinan ang dalawa nang makalabas at kaniya-kaniyang nagpahayag ng mga saloobin sa media.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.