Lalaking umano'y tauhan ni Kerwin Espinosa, patay nang 'manlaban'

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Mar 12 2018 05:55 PM

ORMOC CITY - Patay ang isang lalaki sa isinagawang operasyon ng Regional Drug Enforcement Unit, Ormoc City Police at Leyte Police Provincial Office Biyernes ng gabi sa Barangay Bantique, Ormoc City.

Kinilala ng mga awtoridad ang namatay na si Max Miro.

Isisilbi umano ng mga operatiba ang warrant of arrest sa kasong murder laban kay Miro, ngunit nanlaban daw ito sa mga pulis, dahilan upang barilin ito.

Nadala pa sa ospital si Miro ngunit idineklara itong dead on arrival.

Ayon sa pulisya, si Miro ay kanang kamay ni Kerwin Espinosa.

Nakuha naman ang isang kalibre .45 na baril at ilang basyo ng bala sa lugar kung saan nabaril si Mira.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.