Konduktor, 'tulak' naaktuhang 'bumabatak' sa bus

ABS-CBN News

Posted at Mar 12 2018 08:36 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Lima ang naaresto ng Parañaque police kamakailan matapos maaktuhang gumagamit ng ilegal na droga.

Nahuli sa isang operasyon ang umano'y tulak na si Jan Borbon at konduktor na si Samuel Diogenio habang bumabatak ng ilegal na droga sa loob ng isang nakaparadang pampasaherong bus sa may Macapagal Avenue.

Madalas kasi ang reklamo hinggil sa umano'y pot session sa loob ng mga bus sa kalapit na terminal.

Tila bangag pa ang dalawa nang sitahin ng mga pulis.

Inamin ni Diogenio na gumagamit siya ng shabu para manatiling gising habang nasa trabaho.

"Araw-araw kasi kaming bumibiyahe eh kailangan kasi, gawa noong puyat, 24 oras ang biyahe," ani Diogenio.

Nabawi sa mga suspek ang ilang sachet ng shabu at drug paraphernalia.

Naaktuhan namang humihithit ng shabu sa Barangay San Dionisio ang lalaking kinilalang si Robert Garnado, na nasa drugs watch list ng Philippine National Police.

Hindi na itinanggi ni Garnado ang nagawa.

"Pansarili kong gamit naman iyon," ani Garnado.

Kasama ring inaresto sina Ricardo Villar at Randy Garnado.
 
Kinasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Law ang mga naaresto, na ngayon ay nakapiit sa Parañaque City Police Station.

-- Ulat nina Raffy Santos at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.