Fast food delivery boy, kalaboso sa snatching

ABS-CBN News

Posted at Mar 12 2018 08:20 PM | Updated as of Jan 10 2020 05:08 PM

Watch more in iWantTFC

Sa halip na sa pinagtatrabahuhang fast food restaurant pumasok, sa selda nauwi ang isang lalaking bahagi umano ng riding-in-tandem na nanghablot ng cellphone sa Maynila nitong Lunes ng umaga.

Kalaboso ng mga awtoridad ang suspek na si Ric Vergara na itinuturong isa sa dalawang kumuha ng cellphone ng biktimang si "Duay."

Sa kuha ng CCTV, makikitang nagte-text ang biktima sa may kanto ng Alfonso Mendoza Street nang biglang dumaan ang pulang motor lulan ang dalawang tao na agad kinuha ang hawak na cellphone ng biktima.

Sa pagtutulungan ng mga tauhan ng barangay at pulisya, nahuli makalipas ang isang oras si Vergara, na umamin sa kaniyang ginawang krimen.

Nabatid na ang motor na ginamit nila ng kasamahan sa krimen ay mismong delivery motorcycle ng fast food restaurant na pinagtatrabahuhan ni Vergara.

Katuwiran ni Vergara, nagawa lang niya ang krimen dahil sa pangangailangan.

Nahaharap si Vergara sa kasong robbery at snatching.

Nabawi naman ni Duay ang kaniyang cellphone.

Subalit hindi singsuwerte ni Duay ang isang babae na nahablutan din ng cellphone sa Sampaloc.

Mabilis na nakuha ng isang naka-motorsiklo ang cellphone ng hawak ng biktimang si Abigail Cortez habang naglalakad ito pauwi.

Tinangka pa ni Cortez na habulin ang motor pero hindi na ito naabutan. -- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.