Daan-daang nasunugan sa Quezon City, nasa evacuation center pa rin

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Mar 12 2018 10:39 PM | Updated as of Nov 19 2018 08:30 AM

Nasa mahigit 100 pamilya pa ang nananatili sa covered court ng Camp Karingal matapos silang masunugan sa Barangay Botocan sa Quezon City noong Martes. 

Mula 70 ay umabot na sa 114 na pamilya o halos 600 indibidwal ang nagsisiksikan sa evacuation center at kanya-kanyang pwesto para may matuluyan. 

Ito ay wala pa sa kalahati ng halos 500 pamilya na nawalan ng tirahan.

Dikit-dikit ang mga pamilya na may kasamang bata, matanda, at sanggol na natutulog lamang sa sahig gamit ang pansaping banig at kumot na panlaban sa lamig.

Dito na rin kumakain, naliligo, at naglalaba ang mga nasunugan katabi ang mga kahon at bag na naglalaman ng kanilang mga naisalbang gamit.

Patuloy naman ang tulong na ibinibigay sa kanila ng iba't ibang grupo at ng lokal na pamahalaan, mula sa pagkain sa buong araw at mga damit lalo't ang ilan sa kanila ay wala nang naisalba.

Mayroon ding mga volunteer groups tulad ng Red Cross na bumibisita sa lugar kung sakali mang magkaroon ng emergency situation.

Isa sa mga pangunahing hiling ng mga residente ay ang tulong pinansiyal o gamit upang muling maitayo ang kanilang mga bahay na natupok ng apoy na nagsimula dahil umano sa iligal na koneksyon ng kuryente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.