Breadwinner, nabundol sa pedestrian crossing, di makalakad

ABS-CBN News

Posted at Mar 12 2018 05:54 PM | Updated as of Jan 14 2020 02:48 PM

Watch more in iWantTFC

Hindi makalakad ang isang lalaki matapos mabundol habang tumatawid sa isang pedestrian crossing sa Pasig City noong Linggo.

Kalalabas lang sa trabaho ng biktimang si alyas "Sonny" nang bigla itong masagasaan ng isang tila nagmamadaling sasakyang sa may Ortigas Avenue papuntang EDSA.

Hindi na nakabangon pa ang biktima habang bahagyang bumagal ang sasakyang nakabundol sa kaniya pero dumiretso pa rin ito at tumakas.

Nakuhanan pa ng dash cam ng isang sasakyan ang insidente.

Nagtamo si Sonny ng mga bali sa kaliwang binti kaya matatagalan pa umano bago siya muling makalakad.

Kailangan din niyang sumailalim sa operasyon para malagyan ng bakal ang naapektuhang bahagi.

Nanawagan ang biktima sa nakabangga sa kaniya na lumantad na at tumulong sa pagbayad sa pagpapagamot niya.

Kuwento ni Sonny, siya ang breadwinner o tagapagtaguyod sa kaniyang pamilya. 

Kailangan din umano niyang magtrabaho para matustusan ang kaniyang pag-aaral.

Nakikipag-ugnayan na ang Pasig police sa Land Transportation Office para matunton ang nakabangga.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.