'Bato,' iginiit na di gagamitin ang subpoena vs kalaban ni Duterte

ABS-CBN News

Posted at Mar 12 2018 09:49 PM | Updated as of Nov 18 2018 05:47 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Iginiit ng hepe ng Philippine National Police (PNP) na hindi niya gagamitin kontra sa mga kalaban sa pulitika ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong kapangyarihan ng hepe na mag-subpoena.

Ayon kay PNP chief Director General Ronald "Bato" dela Rosa, ipapaalam naman sa kaniya ng mga opisyal ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kung kailangang mag-issue ng subpoena base sa chain of command.

Hindi na rin aniya kailangan pa ng patakaran sa PNP para ipatupad ito.

"Prangkahin kita. Hindi ko gagamitin [ang subpoena]. Hanggang nandiyan ang CIDG, hindi ko gagamitin 'yan. Baka sabihin niyo na gamitin ko 'yan against the political enemies of the Duterte administration?" giit ni Dela Rosa.

Sa ilalim ng Republic Act 10973, may kapangyarihan na ang PNP chief, gayundin ang director at deputy director for administration ng CIDG, na mag-isyu ng subpoena at subpoena duces tecum.

Ang subpoena ay isang kautusang naglalayong paharapin ang isang tao sa korte o kapulungan, habang ang subpoena duces tecum ay ang utos na pagpapalabas ng dokumentong kailangan sa isang imbestigasyon. 

Ayon sa batas, puwede lang mag-issue ng summons order ang tatlong mataas na opisyal ng PNP para sa mga tao at dokumento kung makakatulong ito sa imbestigasyon.

Dati kasi, nakakakuha lang ng ebidensiya o napagsasalita lang ng CIDG ang mga testigo kung boluntaryo ito.

Ngayon, kung ayaw mag-cooperate ng mga nabigyan ng subpoena, puwede silang sampahan ng kasong indirect contempt.

REAKSIYON SA SUBPOENA

May mga nagpahayag naman ng pangamba sa bagong batas dahil posible raw itong maabuso ng PNP.

Ayon sa human rights lawyer na si Atty. Edre Olalia, secretary general din ng National Union of Peoples' Lawyers, di na kailangan ng batas dahil may mga ahensiya nang puwedeng mag-isyu ng subpoena.

Delikado rin daw ito dahil, aniya, sa di malinis na rekord at mababang kredibilidad ng PNP.

"Unnecessary because there are more than enough agencies empowered to issue subpoenas. Dangerous because given the spotty record, low credibility, and non-professional loyalties of police heads, this power gives additional tool for abuses and excesses against the public," saad ng pahayag ni Olalia.

Ipinagtanggol naman ni dating PNP chief at ngayo'y Senador Panfilo "Ping" Lacson ang batas. 

Giit niya, dating may subpoena powers ang Philippine Constabulary.

Pero nawala nang buuin ang PNP sa ilalim ng Department of the Interior and Local Government.

Kung walang subpoena powers, "helpless" umano ang PNP sa mga imbestigasyon.

Sa ilalim ng bagong batas, puwede lang daw mapatawag ang isang tao kung nabanggit ang kaniyang pangalan bilang posibleng suspek o testigo sa sinumpaang salaysay na hawak ng imbestigador. 

"If it doesn't fall under that scope, the nature of the investigation, and it will not serve the purpose of that investigation then the PNP is not authorized to issue that subpoena and it can be questioned precisely before any court," ani Lacson.

(Kung hindi saklaw ng imbestigasyon ang subpoena, hindi awtorisado ang PNP na mag-isyu ng subpoena. Maaari rin itong kuwestiyonin sa korte.)

Puwede rin aniyang mag-issue ng temporary restraining order ang korte laban sa subpoena.

Kung mapakita na ang ipinatawag, di raw puwedeng basta-basta idetene at puwedeng i-invoke ng indibidwal ang karapatan laban sa self-incrimination o pagdiriin sa sarili sa isang kaso.

-- Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.