161 'flying voters,' nadiskubre sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Mar 12 2018 05:42 PM | Updated as of Jan 10 2020 05:10 PM

Nadiskubre nitong Lunes ang bagong pangkat ng umano'y mga "flying voter" sa Maynila, halos dalawang buwan bago ang barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Nasa 161 hinihinalang flying voters ang nakitang nakarehistro sa Barangay 269, Zone 25, District 3 sa Maynila.

Pero nang puntahan ang Zosima Building, kung saan naka-address ang karamihan sa mga umano'y botante, tumambad ang mga naka-padlock na pintuan, storage room, at sobrang liliit na housing unit.

Watch more in iWantTFC

Nagsampa ng kaso sa City Prosecutor's Office nitong Lunes ang kapitan ng barangay na si Domingo Vacal at isa pang complainant na si Ramon Cheng laban sa mga umano'y flying voter.

Isinumite ni Vacal ang sertipikasyon mula sa Criminal Investigation and Detection Group at pamunuan ng Zosima na nagsasabing hindi tumira sa gusali ang mga nasabing botante.

Lumalabas din sa sertipikasyon na sa Navotas nakatira ang ilan sa mga natukoy na flying voter.

Ayon kay Vacal, binabayaran umano ang mga botante ng P1,000 matapos magparehistro at pinangakuang babayaran muli matapos makaboto. 

Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, nasa proseso sila ngayon ng pagbeberika sa mga nagparehistro, katuwang ang mga election watchdog o mga grupong nagbabantay sa halalan at non-governmental organization.

Ito ang ikalawang beses na may nahuling flying voter matapos matuklasan ang libo-libong flying voter sa Pasay noong nakaraang buwan.

-- Ulat nina Ron Gagalac at Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.