Tatlong drug suspect, timbog sa buy-bust sa Cubao, QC

Ron Lopez ABS-CBN News

Posted at Mar 12 2017 09:07 AM

Kalaboso ang tatlong umano'y tulak ng droga sa isang buy-bust operation sa P. Tuazon corner 15th avenue sa Brgy. San Roque, Cubao, Quezon City bago maghatinggabi kanina.

Arestado si Tomas Battong, 61 taong gulang, na target ng operasyon at lider ng grupo. Dinakip din sina Erwin Novilla at John Vargas na kapwa barker ng jeep na aminadong gumagamit ng droga at sinasabing kasabwat ni Battong sa pagbebenta ng iligal na droga.

Ayon kay Senior Insp. Ramon Aquiatan, hepe ng Drug Enforcement Team ng Cubao police station, hindi na nanlaban pa ang suspek na si Battong na may dala-dalang baril nang makatransaksyon nila.

Lumabas sa kanilang imbestigasyon na nagsisilbi ring drug den ang bahay ni Battong kung saan dito na mismo kadalasang gumagamit ng droga ang kaniyang mga parokyano na karamihan umano ay mga bus at jeepney driver.

Narekober mula sa suspek ang dalawang sachet ng marijuana, 9 na sachet ng hinihinalang shabu na aabot sa 30 gramo ang bigat at nasa P70, 000 ang halaga, mga drug paraphernalia tulad ng tooter at aluminum foil.

Nakuha din mula sa suspek ang isang 9mm na baril, isang gun replica, at 9 na pirasong bala.

Dinala na sa Cubao police station ang mga suspek na mahaharap sa patong-patong na kaso ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

-- may ulat si Angel Movido, ABS-CBN News