Lima, arestado sa umano'y rape-slay sa CDO

Rod Bolivar ABS-CBN News

Posted at Mar 12 2017 11:08 AM

CAGAYAN DE ORO CITY - Arestado ang limang suspek sa pagpatay at umano'y panggagahasa sa isang working student sa Cagayan De Oro City.

Agad na dinala sa hospital ang tatlumpung taong gulang na si Cherrymae Dayo matapos siyang nakita ng mga kapitbahay na natumba at duguan sa JR Borja St. Biyernes ng gabi.

Nagtamo ng saksak sa iba't ibang parte ng katawan si Dayo at bago siya binawian ng buhay ay nakapagsumbong pa ito na ginahasa din siya.

Third year working student si Dayo at nag-iisang nakatira sa bahay ng amo.

Nahuli ng pulis ang tatlong lalaki at dalawang babae na pinaniniwalaang suspek sa krimen.

Kinilala ang mga suspek na sina Warren Amarga, Joel Jonson, Angela Mae Rada, Joan Escalante, at isang menor de edad na lalaki.

Sa imbestigasyon ni S/Insp. Maricris Mulat, inamin umano ni Amarga na siya ang sumaksak sa biktima.

Pero itinanggi ni Amarga na ginahasa niya si Dayo. Pumasok umano siya sa bahay para magnakaw ng bigas.

Paliwanag ni Amarga, nang bitbitin na sana niya ang bigas ay hinawakan siya ni Dayo kaya nabigla siya at nasaksak ang biktima.

Hinuli naman ang apat dahil sila ang huling kasama ni Amaga. Pero giit ng apat na wala silang kinalaman sa krimen.

Inamin ni Jonson na nakasama nila sa inuman si Amarga pero iniwan din sila. Hustisya naman ang hiling ng pamilya ng biktima.

Sasampahan ng rape with homicide ang limang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.