200 drug users sa Metro Manila, sasalang sa 4-buwang rehab

Zhander Cayabyab, DZMM

Posted at Mar 12 2017 11:14 AM

MANILA - Dadaan sa 4-buwang community-based drug rehabilitation program ang nasa 200 residente ng southern Metro Manila na umaming gumagamit ng iligal na droga.

Boluntaryong lumagda ang mga naturang indibidwal para sa rehabilitation sa ilalim ng programang "Sagip Bukas," na inorganisa ni Senador Cynthia Villar sa tulong ng pulisya, mga lokal na pamahalaan ng Las Piñas, Parañaque, at Bacoor, at Cavite gayundin ng iba pang ahensya ng pamahalaan.

Kabilang sa mga nagparehistro sa programa ang 100 drug users mula sa Las Piñas, 50 mula sa Cavite at 50 mula sa Parañaque.

Bukod sa regular na lectures at physical exercises, isasalang sila sa iba't ibang environmental protection activities kabilang ang paglilinis ng Manila Bay at pagtatanim ng bakawan.

Magtatanim din sila ng mga gulay at maiiuwi ang kanilang mga aanihin pananim.

Hindi ididitine ang mga sumukong drug user, sa halip ay paaalalahanan nang regular ukol sa kanilang rehabilitation program o kaya'y susunduin mula sa kanilang mga tahanan.

Ayon sa mga organizer, inilunsad ang naturang programa para upang matiyak na marating ng mga drug user ang recovery stage at hindi na bumalik sa pagdo-droga.

Sa isang panayam, sinabi ni Senador Cynthia Villar na kailangang tapusin ng mga sumukong drug suspect ang training upang magkaroon sila ng certificate na maaaring ipakita upang hindi sila maaresto o makasuhan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.