PatrolPH

Negros Occidental hiling na ma-lift ang ban sa pork products sa Cebu

ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2023 06:35 PM


Hiniling ni Negros Occidental Governor Bong Lacson kay Cebu Governor Gwen Garcia na bawiin ang utos nito na nagbabawal sa pagpasok ng karne ng baboy mula Negros.

Ayon kay Lacson, hindi pinapayagan kahit dumaan man lang sa Cebu ang mga buhay na baboy at karne nito na papuntang Leyte matapos maglabas ng executive order si Garcia.

“I wrote a letter requesting kung pwede ma-lift ang executive order n'ya, considering that Negros Occidental has not been declared as red zone. We are still in the green zone meaning we are still free of ASF (African Swine Fever),” Sabi ni Lacson.

Kamakailan lamang ay kinumpirma ng Bureau of Animal Industry na positibo sa ASF ang ilang blood samples ng mga baboy sa Carcar City, Cebu. Ang ilan sa mga baboy ay galing ng Negros pero hindi tinukoy kung Negros Oriental o Occidental. Dahil dito, nagpalabas ng executive order si Garcia na bawal magpapasok ng pork products mula sa Isla ng Negros.

At dahil sa mga positibong kaso ng ASF, ipinagbawal na rin ni Gov. Lacson na makapasok sa Negros Occidental ang mga pork products galing ng Cebu.

“Meantime, we also executed an executive order banning pork products from Cebu only because it has already been declared that ASF is present in the province,” dagdag pa ni Lacson.

Ang hog industry sa Negros Occidental ay nagkakahalaga ng P5 billion at ang probinsiya ay isa sa mga pinakamalaking pork product producers sa bansa.

-- Ulat ni Angelo Angolo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.