BRUSSELS - Dalawang Pinoy ang lumahok sa book reading sa Bib Sophia Library sa Schaerbeek, Brussels. Ang okasyon ay ginawa para masungkit ang Guinness World Record para sa Multilingual Reading.
Tagumpay nilang binasag ang dating record matapos ang relay reading ng mga kalahok sa isang libro gamit ang 65 wika, kabilang na ang Filipino.
Hawak dati ng Museum of Islamic Art sa Qatar ang world record na gumamit ng 55 wika. Kabilang ang mag-inang Corazon at Janine Cabrera-Mendoza sa mga bumasa ng aklat na ‘Magical Life of Mister Rene’ tungkol sa isang Belgian painter na isinulat ni Leo Timmers.
May 65 wika ang ginamit sa pagbasa sa mga pangungusap kasama ang Welsh, Hebrew, Urdu at iba pa. Sampung segundo lang kinailangan sa pagbabasa kada wika.
Ang mga hurado ay binubuo ng mga lecturer mula sa iba’t ibang pamantasan mula ng Ghent, Antwerp, Brussels, Louvain la Neuve, at mga European translator. Para sa mag-ina, isang malaking karangalan na mapabilang sa matagumpay na pagsungkit sa bagong Guinness World Record.
”Para po sa akin mahalaga na maipakita dito sa Europe kung gaano kayaman ang kultura ng Pilipinas, at para maipakilala sa kanila ang mga katangiang tingin ko po ay mga Pilipino lang ang may taglay tulad ng close family ties at pagiging matulungin sa kapwa,” saad ni Maria Corazon Cabrera, Pinay sa Belgium.
Para sa anak niyang si Janine Cabrera Mendoza dahil sa paglahok nila sa multilingual reading naipakilala sa buong mundo ang wikang Filipino.
“Ang liit ng populasyon ng mga Pinoy dito sa Belgium. We had the chance for the Filipino language to be known worldwide. Factor na rin po na through our language, people may even know our cultural aspects, tulad po ng beliefs natin and traditions.” sabi ni Janine Cabrera Mendoza, Pinay sa Belgium.
Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Belgium, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.