CESU Borongan
Idineklara ng City Health Office nitong Biyernes ang Hand, Foot and Mouth Disease (HFMD) outbreak sa Borongan City, Eastern Samar.
Ito'y matapos na madagdagan pa ang bilang ng mga bagong kaso ng naturang sakit.
Sa pinakabagong datos mula sa City Epidemiology and Surveillance Unit ng Borongan, kasalukuyang mayroong 156 na kaso ng HFMD mula Enero 2023 hanggang Marso ang siyudad.
CESU Borongan
Kasama na sa bilang ang 40 na bagong suspected case.
Ang bilang na ito ay ikinababahala ng City Health Office at napag-alaman pang 38 barangay ang may naiulat na kaso ng karamdaman.
Karamihan sa mga tinamaan ng sakit ay mga batang lalaki na may edad na hindi lalagpas sa 10-anyos.
Mas pinaigting pa ang isinasagawang surveillance ng mga kinatawan ng City Health Office dahil may mga estudyante sa ilang paaralan na rin ang may naireport na may kaso ng HFMD.
Ayon kay Doctor John Kelly Cainday, hepe ng City Epidemiology and Surveillance Unit, ang HFMD ay isang viral infection at nakakahawa ito sa pamamagitan sa respiratory droplet kung umubo ang isang may sakit o paghawak ng isang bagay na hinawakan ng pasyenteng may HFMD, kaya ang kanilang ipinapayo ay ang pagsuot ng facemask at laging paghugas ng kamay.
Naglalayon ang deklarasyon ng outbreak na gumalaw ang lahat ng sektor o ahensiya para masugpo ang pagkalat pa ng sakit.
Ang mga sintomas ng sakit ay lagnat, walang ganang kumain, kalimitang pagkairitable ng sanggol at maliliit na bata, pulang rashes na walang pangangati na kung minsan ay may makikitang paltos sa palad, talampakan, masakit at mapulang paltos sa dila, gilagid at sa loob ng pisngi, masamang pakiramdam at masakit ang lalamunan.
Sa darating na linggo, susuriin na rin kung anong klaseng HFMD virus ang kumakalat ngayon sa mga pasyente. —Ulat ni Ranulfo Docdocan
RELATED VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.