PatrolPH

2 patay; pulis sugatan sa engkwentro sa Cotabato

ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2023 06:48 PM

Nauwi sa putukan ang pagsisilbi ng warrant of arrest sa dalawang lalaki na parehong may kasong attempted murder, nitong madaling araw ng Sabado sa Barangay Macabual, Pikit, Cotabato Province. 

Ayon sa Pikit Police, pinaputukan umano sila ng grupo ng mga suspek na kinilalang sina Abdullah Kurdotoy at Jonathan Kadalem, dahilan para gumanti sila ng putok.

Kinilala ng Pikit Police ang mga nasawi na sina alyas “Maano” at alyas “ Norman” na pawang mga magsasaka, residente sa lugar at kasama ng mga target ayon sa PIkit Police.

Sugatan naman ang isang miyembro ng 45th Special Action Force.

Narekober ng otoridad mula sa mga suspek ang dalawang M-16 rifle at dalawang bandolier.

Nakatakas naman ang dalawang suspek na patuloy na tinutugis ng otoridad.

Katuwang ng Pikit Municipal Police sa operasyon ang 4th Special Action Battalion, Regional Intelligence Division 12, 90th Infantry Battalion, 34th Infantry Battalion, 602nd Brigade ng Philippine Army, Provincial Mobile Force Company at Provincial Intelligence Unit.

Samantala, isa pang grupo ng mga armado ang naka-engkwentro naman ng blocking force ng 34th IB sa Barangay Macabual din kaninang umaga.

Nasawi sa bakbakan ang isang alyas "Baganian".

Nakuha mula dito ang dalawang M-16 rifle, isang home-made shotgun, magazine ng M-16, at mga bala.

Iniimbestigahan pa kung ang mga armado ay kasama sa grupo ng dalawang target sa pag-serve ng warrant of arrest.

-- Ulat ni Lerio Bompat

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.