Cellphone shop sa Maasin City ninakawan; P3.5 milyon halaga tinangay

ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2022 12:09 AM | Updated as of Mar 11 2022 09:56 AM

SOUTHERN LEYTE - Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang nangyaring pagnanakaw sa isang cellphone shop sa Barangay Tunga-Tunga, Maasin City, Southern Leyte nitong Miyerkoles.

Ayon sa impormasyon mula sa PNP Eastern Visayas, nangyari ang insidente pasado alas-7:35 ng umaga at nireport ito sa Maasin City Police alas-12:25 na ng tanghali.

Napag-alaman na magbubukas na sana ang may-ari at saleslady nang makitang sira na ang mga padlock at bukas na ang main door ng cellphone shop.

Dito na nalaman na nawawala ang mga bagong stocks na iba't-ibang uri ng cellphone at nawawala din ang P110,000 na income mula sa isang araw.

Tinatayang aabot sa P3,518,079 ang kabuuang halaga ng nawala. 

Nakikipagtulungan na ang Maasin City Police at SOCO para sa imbestigasyon.

Inaasahan din na makakatulong sa imbestigasyon ang CCTV footage ng mga tindahang katabi ng ninakawan na cellphone shop.

Handang magbigay naman ng pabuya ang may-ari ng cellphone shop kung sino man ang makakapag-bigay ng impormasyon ukol sa pagnanakaw. 

- Ulat ni Ranulfo Docdocan.