PatrolPH

Vulcanizing shop nasunog sa Laguna; bahay nadamay

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2021 05:57 AM | Updated as of Mar 11 2021 07:09 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Natupok ng apoy ang isang vulcanizing shop at katabi nitong bahay sa Cabuyao City, Laguna Miyerkoles ng gabi.

Sumiklab ang sunog sa residential area sa National Highway, Bgy. Banlic bago mag-9:20 ng gabi.

Dineklara itong kontrolado ng 10:05 ng gabi at tuluyang naapula ng 10:27 ng gabi, mahigit isang oras mula nang magkasunog.

Ayon sa fire investigator na si SFO1 Miriam Sabigan, natagalan ang mga bombero sa pag-apula sa apoy dahil sa mga gulong na nasa vulcanizing shop.

Nangungupahan ang vulcanizing shop sa katabing bahay.

Naunang naiulat na sa shop nagsimula ang apoy pero iniimbestigahan pa ito ng Bureau of Fire Protection.

Umabot sa ika-3 alarma ang sunog at nirespondehan ng 13 firetruck, ang iba mula sa mga karatig-bayan.

Napigilan ng mga bombero na madamay pa ang mga katabing bahay.

Walang nasaktan sa pangyayari dahil nakalabas agad ang mga nakatira.

Nasa P200,000 ang tinatayang halaga ng natupok.

Inaalam pa ang sanhi ng apoy.

Ang buwan ng Marso ay tinaguriang fire prevention month.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.