PatrolPH

Mga mangingisda sa Taal Lake pinayuhang hanguin na ang mga isda

ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2021 05:16 PM | Updated as of Mar 11 2021 07:20 PM

Mga mangingisda sa Taal Lake pinayuhang hanguin na ang mga isda 1
Mga mangingisda sa Taal Lake sa San Nicolas, Batangas noong Pebrero 19, 2021. Domcar C. Lagto, ABS-CBN News

Pinayuhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Calabarzon region ang mga fish cage operator sa Taal Lake na hanguin na ang kanilang mga isda sa harap ng banta ng pagputok ng Bulkang Taal.

"We advised din naman 'yong mga operators na kung puwede nang i-harvest ay harvest na rin nila kasi hindi naman natin sigurado kung ano pa ang mangyayari," ani BFAR-Calabarzon Regional Direcotr Sammy Malvas.

Sa tala ng BFAR, nasa higit 6,000 ang fish cage sa Taal Lake.

Nilimitahan naman na ng mga awtoridad ang oras na maaaring makapunta ang mga mangingisda sa fish cages sa Taal Lake para magpakain ng isda.

Todo-bantay na rin ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard.

Watch more on iWantTFC

Magugunitang noong Martes ay itinaas ng Phivolcs sa alert level 2 ang Bulkang Taal.

Sa ulat ng Phivolcs, sa nakalipas na magdamag, may naitala silang 42 volcanic tremors at isang mahinang background tremor na tumagal nang 4 na oras at kalahati.

Patuloy din ang pagsingaw umano sa main crater.

Nakapagtala din noong Miyerkoles ng sulfur dioxide na humigit kumulang sa 1,327 tonelada kada araw.

Noong nag-alboroto ang Taal noong nakaraang taon, higit 5,000 tonelada ng sulfur dioxide ang naitala ng Phivolcs.

"Nag-try ang ating team na magbangka sa paligid ng Taal Volcano at naka-measure nga ng sulfur dioxide," ani Phivolcs Director Renato Solidum.

"Hindi mo dapat tanggalin sa posibilidad ay magkaroon ng steam-driven explosion or phreatic explosion," muling paalala ni Solidum.

Dahil sa patuloy na ipinapakitang aktibidad ng Bulkang Taal, payo ng Phivolcs na maging handa ang mga residenteng nakatira sa paligid ng bulkan.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.