PatrolPH

Lalaki tiklo sa pagnanakaw ilang araw matapos magpiyansa sa ibang kaso

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2021 05:54 AM | Updated as of Mar 11 2021 01:39 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Wala pang isang oras mula nang nakawin ang kaha ng isang mini-mart sa Bgy. Pilar Village, Las Piñas City, natunton at naaresto ng mga pulis ang suspek sa katabing barangay Martes ng gabi.

Agad nakilala ang 20-anyos na si “Julio” sa CCTV footage ng ninakawang tindahan.

Sa video, nakitang lumapit ang lalaki sa tindahan para silipin ito bago mag aalas-7 ng gabi kung kailan papasara na ito. Nakabukas ang kaha at nakapatong sa mesa malapit sa pinto.

Tiyempo noong kumakain sa loobang kuwarto ang babaeng bantay ng mini-mart. Dito na pumasok ang lalaki at tinangay ang kaha sa loob ng ilang segundo.

Ayon kay Police Maj. Romeo Britanico, commander ng Pilar substation, narinig ng bantay na may pumasok pero hindi na hinabol dahil sa takot na baka may kasama itong iba.

Sabi ni Britanico, kakapiyansa lang ni Julio noong Sabado para sa kasong pagnanakaw ng mountain bike na ikinakulong niya noong Pebrero.

Namukhaan siya sa CCTV ng imbestigador na si Police Cpl. Reyglenn Lunzaga dahil hawak din nito ang naunang kaso.

Nakasalubong ng mga pulis si Julio nang papunta sila sa kanyang bahay sa Bgy. Almanza 2.

Nabawi sa kanya ang kaha na may mahigit P3,500 pang laman.

Sabi ni Julio, nagastos na niya ang P500 pambili ng pagkain.

Depensa niya, ninakaw niya ang pera para matulungan ang ama na mabayaran ang P10,000 na inutang para pampiyansa sa kanya.

Sabi ng suspek, papasok na sana siyang construction worker sa Lunes para makaipon ng pambayad.

Hiling niya sa may-ari ng tindahan at sa pulis, huwag na siyang ipakulong at bigyan ng isa pang pagkakataon.

Nahaharap siya sa kasong theft.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.