PatrolPH

Labi ng 4 biktima ng 'Bloody Sunday' massacre, hindi pa makuha ng mga nagluluksang pamilya

Mike Navallo, ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2021 03:26 PM | Updated as of Mar 11 2021 08:30 PM

MAYNILA — Nagpatuloy ang standoff sa labas ng isang punerarya sa Antipolo City Huwebes dahil hindi pa nire-release ang bangkay ng 4 na aktibistang napatay noong "Bloody Sunday" massacre sa kanilang mga pamilya.

Nasa loob pa rin ng Antipolo Memorial Homes ang bangkay nina Melvin Dasigao, Mark Bacasno, at Puroy at Randy Dela Cruz, na mula Rodriguez at Tanay, Rizal, matapos silang mapaslang noong Linggo sa umano'y crackdown ng mga awtoridad laban sa mga komunista. 

Ayon sa National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) na kumakatawan sa mga biktima, kumpleto ang kanilang mga dokumento at nakapagbayad na rin pero hindi pa pinapayagan na maiuwi ang labi ng mga biktima.

Ang sabi ng mga pulis, nag-alok ng funeral arrangement ang mga lokal na pamahalaan ng Tanay at Rodriguez kaya mga pulis sana ang maghahatid ng bangkay.

Pero nanindigan ang NUPL na pamilya dapat ang magdedesisyon. Gusto sana kasi nilang ipa-autopsy pa ang mga bangkay para malaman kung ano nga ba ang ikinamatay nila.

Alegasyon kasi ng mga pulis, nanlaban sila pero ang sinasabi ng kanilang pamilya ay pinasok ang kanilang tahanan, pinalabas ang ibang nasa loob, bago sila nakarinig ng mga putok ng baril. Sunod nilang nakita, bangkay na nang ilabas ang kanilang kaanak.

Watch more News on iWantTFC

Nagkaroon ng tensyon nitong Huwebes nang hilingin ng mga abogado mula sa NUPL na payagan ang mga kaanak na makalabas ng funeral home.

Lumalabas kasi na alas-9 ng gabi Miyerkoles pa nang i-lock ang gate at hindi na nagpapasok ang funeral home kaya nakakulong doon ang mga kaanak at di makapasok ang kanilang mga abogado.

Sagot ng pulis, desisyon daw iyon ng management ng punerarya.

Sinubukan ng Commission on Human Rights na magkasundo ang dalawang panig na nauwi sa paglabas ng mga pamilya pasado-11 ng umaga.

Hanggang sa oras na mailabas ang ulat na ito, nananatili pa rin sa kustodiya ng punenarya ang mga bangkay.

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.