PatrolPH

Ilang OFWs na umuwi dahil sa COVID-19, walang mahanap na trabaho

ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2021 08:45 PM | Updated as of Mar 17 2021 07:06 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Halos kalahating milyong overseas Filipino workers (OFW) na ang napilitang umuwi sa Pilipinas simula nang tumama ang COVID-19 pandemic, pero ilan sa kanila ay hindi pa rin nakakabangon. 

Seafarers ang unang OFWs na nakaramdam ng lupit ng pandemya. Pebrero 2020 nang malaman ang outbreak sa Diamond Princess cruise ship.
    
Halos 4,000 pasahero at crew, na karamihan ay Pinoy, ang na-quarantine sa Japan. Dito na nagsimula ang hindi pagtanggap ng mga pantalan sa iba pang barko.
    
Hindi ito makalimutan ni Christine Turla, na nagtatrabaho noon sa casino ng isang cruise ship.

"Nakakatakot 'tsaka 'yung thought na ano ba, uuwi pa ba tayo or what, kasi ilang days tayo palutang-lutang, walang port na tumatanggap... 'Yun 'yung start ng kalbaryo naming mga seafarer, kasi hindi na namin alam kung kelan babalik sa normal," kuwento niya.

Abril 2020 na nakabalik si Turla sa Pilipinas. Tiniis niya ang mga problema sa quarantine para makauwi sa 3 anak sa Cavite.

Mula noon, sari-sari na ang ginawa niya para kumita, mula sa pagtitinda ng pagkain, ukay-ukay, pero bigo pa rin siyang makahanap ng permanenteng trabaho.

"'Pagka 'yung nakakakita ako sa Jobstreet ng mga hiring like cashier ita-try ko lahat. Pero lahat 'yon hindi sila nagre-reply... Nakaka-depress din as nanay," ani Turla.

Sunod namang nag-uwian ang mga land-based OFW na nawalan ng trabaho.
    
Ang nanny na si April Joy Adajar, 2 buwang naghintay sa Philippine Embassy sa United Arab Emirates bago nakauwi. Pero nadismaya siya pagdating ng Pilipinas dahil ang 2 linggong quarantine naging 2 buwan pa. 

"Du'n sa quarantine facility di mo alam kung umaga o gabi kasi hindi mo makita 'yung labas, walang bintana, sarado lahat... Nakaka-depress na 'yung palipat-lipat ng quarantine facility na nilalagyan namin, kasi pagdating dito sa probinsiya quarantine naman ulit," hinaing niya.

Gaya ni Turla, nagtitinda-tinda ngayon si Adajar para kumita. 
    
Bagama't dati siyang call center agent bago nag-abroad wala siyang pambili ng computer para sa work from home requirements.
    
Hindi rin siya nakatanggap ng P10,000 cash assistance para sa OFWs. 

"Maghihintay ka lang po sa gobyerno wala ka namang mapapala dapat magsikap ka talaga po," aniya.

Ayon naman sa Department of Labor and Employment, bagamat mahigit 220,000 pa ang pending applications para sa P10,000 cash assistance para sa OFWs, halos 500,000 naman na daw ang nakatanggap nito.
    
Ang Philippine Overseas Employment Administration naman, planong ulitin ang online job fair noong Disyembre para matulungang makahanap ulit ng trabaho ang mga OFW.

— Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.