PatrolPH

Barangay chairman at beautician, timbog sa droga sa Cagayan Valley

ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2021 03:45 AM

Sa kulungan ang bagsak ng isang punong barangay sa bayan ng Baggao, Cagayan matapos siya mahulihan ng droga sa isang buy-bust operation sa lugar Martes ng umaga.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency Region 2, ikinasa ang operasyon laban sa 45-anyos na opisyal ng Brgy. San Isidro dahil sa impormasyon na nagtutulak umano ito may tatlong buwan na ang nakakaraan. 

Minamanman ang suspek bago ang ikinasang operasyon kung saan ay nakumpiska umano sa kaniya ng humigit-kumulang isang gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga naman ng P6,800. 

Timbog din nitong Martes ng gabi ang isang 42-anyos na lalaking beautician sa Barangay Moldero, Tumauini, Isabela. 

Ayon kay Police Maj. Rolando Gatan, hepe ng Tumauini Police, naaktuhan ang suspek nang iabot niya ang isang sachet ng umano’y shabu sa pulis na nagpanggap bilang poseur-buyer.

Nakumpiska rin sa suspek ang buy-bust money na P2,000 at isang cellphone na hinihinalang gamit nito sa transaksiyon. 

Nasampahan na ang mga suspek ng reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.--Ulat ni Harris Julio

MULA SA ARKIBO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.