PatrolPH

4 araw na lockdown sa 2 barangay at 2 hotel sa Maynila, nagsimula na

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2021 05:50 AM | Updated as of Mar 11 2021 07:15 AM

MAYNILA - Sarado na ang mga kalsada sa Brgy. 351 sa Sta. Cruz, Maynila na isa sa mga idineklarang critical areas dahil sa COVID-19.

Bago pa man maghatinggabi Huwebes, nag-ikot na ang mga pulis para paalalahanan ang mga residente sa apat na araw na lockdown. Bantay-sarado rin ng mga taga-barangay at mga pulis ang lahat ng lagusan papasok at palabas ng barangay.

Ayon kay barangay chairman Almira Calip, magkakamag-anak ang mga nagpositibo sa COVID-19 sa kanilang lugar.

Sa Brgy. 725 naman sa Malate, mga seaman at OFW na galing probinsya ang karamihan sa active cases ng barangay, ayon kay barangay chairman Rico Veneracion. 

Mga condominium at apartment ang karamihan sa binabantayan sa naturang barangay kaya maigting na seguridad ang kailangan.

Pero nakulangan umano si Manila Police District director Brig. Gen. Leo Francisco sa deployment ng mga pulis sa barangay nang makita niya sa kanyang pag-iinspeksyon na may mga establisimiyento na walang nagbabantay na pulis.

Lalo pa siyang nadismaya nang ikutan ang dalawang hotel na naka-lockdown din at nadiskubreng tig-dalawang pulis lang ang nagbabantay imbes na 10 pulis.

Ayon kay Francisco, mahalaga ang bilang ng mga pulis sa mga lugar na naka-lockdown para masigurong walang makalulusot papasok o palabas. Dahil sa kakulangan, sinibak niya ang commander ng Remedios PCP.

Nakikiusap din ang pulisya at ang mga barangay sa kanilang mga nasasakupan na tiisin muna ang 4 na araw na lockdown dahil kung mahuling lumabag sa quarantine, maaari silang kasuhan at dadalhin pa sa quarantine facility para manatili roon ng 14 na araw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.