PatrolPH

1 taong lockdown: Mga tsuper ng jeep, nakaraos na ba sa epekto ng pandemya?

ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2021 03:53 PM | Updated as of Mar 11 2021 04:33 PM

1 taong lockdown: Mga tsuper ng jeep, nakaraos na ba sa epekto ng pandemya? 1
Mayo 2020 nang matagpuan ng ABS-CBN News ang mag-asawang Julius at Erlin Evangelista at ang kanilang anak na tumutuloy sa isang jeep sa N.S. Amoranto Street sa Quezon City. Jervis Manahan, ABS-CBN News/File

MAYNILA - Mayo 2020 nang matagpuan ng ABS-CBN News ang mag-asawang Julius at Erlin Evangelista at ang kanilang anak na tumutuloy sa isang jeep sa N.S. Amoranto Street sa Quezon City. 

Hindi nakakabiyahe noon ang jeepney driver na si Julius dahil suspendido ang pampublikong transportasyon matapos isailalim sa enhanced community quarantine ang Metro Manila. Dahil walang kita, hindi sila nakabayad ng renta. 

Dahil dito, napaalis sila sa kanilang inuupahang bahay at ang naka-tenggang jeep na muna ang ginawa nilang tahanan. 

Watch more News on iWantTFC

Dama man ng pamilya ang hirap, sinubukan pa rin nilang mabuhay nang sama-sama. 

"'Di kami makalabas dito, may mga tao na nagbibigay, may mga dumadaan, doon na lang muna sila umaasa; minsan wala minsan meron; nakakaraos naman," ani Julius sa panayam noon. 

Isa lang si Julius sa libo-libong tsuper na lubhang naapektuhan ng lockdown. 

Hunyo 2020 naman ay lumabas sa lansangan ang mga mula grupong PISTON para humingi ng ayuda sa mga motorista. 

Pero sa halip na tulungan, ikinulong pa sila. 

Hindi nakaligtas sa huli ang 72 anyos na si Elmer Cordero. 

Napanood ng publiko ang kuwento nina Julius, at ni Cordero, at bumuhos ang tulong sa kanila. 

Dumating ang ayuda sa mag-asawang Evangelista, at nailabas sa kulungan si Cordero. 

Makalipas ang halos 1 taon, binalikan ng ABS-CBN News ang bahay ni Cordero sa Caloocan. 

Dahil sa kaniyang edad, tuluyan na siyang huminto sa pamamasada. 

Malaking kawalan daw sa kanila ito, dahil kahit may maliit na tindahan siya ngayon, hindi pa rin ito sapat sa kanilang gastusin. 

“Eto naman, dahil kahit papano may tindahan naman, maliit, nabawasan na at walang pasada, doon kinukuha panggastos, walang hanapbuhay,” ani Cordero.

Himutok din niya na maraming pribadong indibidwal na nangakong tutulong sa kaniya noon na hindi tumupad sa pangako. 

"Kung susundin ang pangangailangan, di pwede. Kailangan pang-maintenance [na gamot], tapos sa anak ko, sana madagdagan,” ani Cordero. 

Hindi man nakakulong, patuloy pa rin nilang hinaharap ang kanilang kaso. 

Nakabalik naman sa pamamasada si Julius nang magluwag ang health protocols, habang nakapagtayo si Erlin ng maliit na sari-sari store. 

Mas kinakaya na raw nila ngayon ang hamon ng pandemya, dahil sa mga tumulong sa kanila. 

“Sa mga taong tumulong, nagpapasalamat kami ng marami, malaki pinagbago ng buhay namin; nakapagsimula kami nung time na walang-wala kami,” ani Erlin. 

Nananatiling hamon sa mga tsuper kung paano mabubuhay sa panahong laganap ang COVID-19 dahil limitado pa rin ang mga pasahero at biyahe. 

Ang malinaw sa ngayon, mananatiling nasa alanganin ang kanilang buhay at kabuhayan kung hindi sila matutulungan ng pamahalaan. 

— Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.