Informal settlers dumadaing sa COVID-19 scare

ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2020 07:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Idinadaing ng ilang informal settlers sa gitna ng pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang umano'y kakulangan ng pera at ayuda para makuha ang mga kagamitang layong proteksyunan sila laban sa virus. 

Ang tindera ng banana cue at palamig na si Josephine Sebastian, hindi makasunod sa payong "social distancing" ng mga health expert dahil siksikan silang 8 magkakaanak sa bahay. 

Pahirapan din aniya ang pagbili ng alcohol ngayong isa lang ang kaya ng kaniyang budget. 

"Wala kaming pera pambili kaya ang ambag namin panic na lang wala nang panic buying," ani Sebastian. 

Dumadaing din si Sebastian sa kakulangan ng tulong, gaya ng pag-spray ng mga disinfectant sa kanilang lugar. 

"Nakaka-under lang kasi 'yong iba nagawa nila sa iba, dito hindi nila nagagawa eh pare-parehas lang tayong mga tao, nabubuhay, siyempre natatakot tayo para sa kalusugan natin," ani Sebastian. 

Masikip at marumi ang kanilang lugar at kakaunti lang ang may kaalaman kung paano labanan ang mga nakakahawang sakit, giit ng isa pang residente. 

Kaya naman iginiit ng doktor na si Hanz Esguerra na dapat ayudahan ang mga ito. Paliwanag ni Esguerra maituturing na mas matatamaan ang mga informal settler sakaling tumindi pa ang pagkalat ng virus. 

"Kasi po sila po ang mas dikit-dikit ang tirahan. 'Yung kanilang sewage system, iko-consider po natin na doon po maaaring manggaling ang infection," dagdag niya. 

Dahil dito, nanawagan si Esguerra sa mga barangay na mabigyan ng tamang impormasyon ang mga residente nilang nakatira sa informal settlements, sa pamamagitan ng kanilang volunteer.

Pero ngayon, may ilang pamamaraan na ibinahagi si Esguerra paglinis ng katawan at kapaligiran kontra sa pagkalat ng virus. 

Una, ipinayo nilang gumamit ng 1 litrong bleach at ihalo sa tubig at gawing pangpunas ng mga gamit gaya ng mesa, cellphones, doorknobs at iba pa. 

Maaari ring hatiin ang gagamiting sabon sa panghugas ng kamay para hindi ito madaling matunaw. 

Kung walang face mask, maaaring gumamit ng panyo. 

Maaari ring mag-hand sanitizer na may alcohol content. 

Pero ang pinakamabisang paraan para malabanan ang virus ay ang pagsubaybay sa tamang impormasyon ng mga opisyal na page o website ng mga ahensiya ng gobyerno. -- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.