COVID-19 cases sa Pinas nasa 49 na; social distancing, curfew ipinatutupad

ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2020 08:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv


MAYNILA — Nadagdagan pa ng 16 ang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa kaya pumalo na sa 49 ang kabuuang bilang nito nitong Miyerkoles.

Gayunpaman, wala pang profile o iba pang detalye na ibinibigay ang Department of Health (DOH). 

Pero bago nito, sunod-sunod na rin ang kumpirmasyon ng mga lokal na pamahalaan na mula sa kanilang nasasakupan ang mga nagpositibo sa virus.

Sa 33 kasong naunang naitala, 5 ay mula sa Marikina City. 

Pito naman ang kumpirmadong kaso ng coronavirus sa San Juan City

Tatlo naman ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pasig City at 11 ang persons under monitoring doon.

Patuloy din ang ginagawang contact tracing ng lokal na pamahalaan ng Pasig.

"Iyong tatlo po, dalawa diyan ay couple. 'Yung 11 people under monitoring ay safely quarantined in their homes. Tinitingnan natin sila from time to time, pinupuntahan sa bahay para masigurong walang pumapasok at hindi sila lumalabas," ani Pasig City Mayor Vico Sotto. 

Sa Quezon City, natunton na ng lokal na pamahalaan ang mga nakasalamuha ng 3 residenteng nagpositibo sa virus.

MGA PAARALAN

Watch more in iWant or TFC.tv


Samantala, magpapatupad ng social distancing ang Department of Education (DepEd) para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa nalalabing linggo ng klase.

Sa inilabas na memo ng DepEd noong Martes ng gabi, sinabi nilang tuloy ang pag-aaral ng mga bata, pati ang graduation at moving up rites pero may mga dapat sundin para sa kaligtasan ng mga bata. 
    
"We want to give them continuity in their lives, minimize disruption in their academic undertakings... Di kami sang-ayon sa ideya na itodo ipasa ang mga bata... Itong administrasyon na ito ay hindi nag-a-advocate ng automatic passing, mass promotion. Labag 'yan sa ating objectives," ani Education Secretary Leonor Briones. 

Ayos din sa DepEd na gamitin ng guro ang internet.

"It's not possible in all places. Pero our technical people are thinking of ways para kahit walang connectivity gagawa ng paraan," ani Briones. 

CURFEW ITOTODO

Watch more in iWant or TFC.tv


Pero dahil may ilang lokal na pamahalaan na ang nagpatupad ng class suspension, mas pinaigting naman ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapatupad ng curfew sa mga menor de edad para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. 

Kabilang sa mga nasita noong Martes ng gabi ang 15 anyos na binatilyong lumabas umano para bumili ng gamot.

Sinama muna sa presinto ang mga menor de edad para i-turnover sa Department of Social Welfare and Development. 

Pero sa Tondo, pinasundo agad sa mga magulang ang mga menor de edad na nasa kalsada.

Kasama rito ang 12 anyos na bata na natutulog sa isang tricycle sa road 10.

"Mainit po kasi sa bahay namin kaya imbes magsiksikan, dito siya natulog," ayon sa ina ng bata. 

Bukod sa mga kabataan, pinaalalahanan din ng mga pulis ang mga nasa edad na mas maiging umuwi na lang kung wala namang mahalagang gagawin.


—Ulat nina Raphael Bosano, Bianca Dava, Jasmin Romero, at Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.