Bentahan ng alcohol sa supermarkets limitado sa 2 bote kada kostumer

ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2020 06:02 PM | Updated as of Mar 11 2020 08:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nilimitahan simula ngayong Miyerkoles sa 2 bote kada kostumer ang bentahan ng alcohol sa mga supermarket kasunod ng paglakas ng pagbili sa produkto bunsod ng dumaraming kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.

Napagkasunduan ang limitadong bentahan sa pulong ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga manufacturer ng alcohol at may-ari ng mga supermarket.

Kung lalong lumakas ang pagbili ng mga tao sa mga pangunahing bilihin, pag-aaralan din ng DTI na limitahan din ang bilang ng mga produktong maaaring bilhin, sabi ni Trade Undersecretary Ruth Castelo.

Ilang Pilipino ang sumugod sa mga pamilihan nitong mga nagdaang araw para bumili ng mga pagkain at panlinis. Nakasabay ito ng pagkalat ng mga maling ulat na posibleng isailalim sa lockdown ang Metro Manila dahil sa dami ng mga kaso ng COVID-19 sa lugar. 

Tiniyak naman ng mga alcohol manufacturer na Green Cross at Philusa na sapat ang supply ng kanilang mga produkto.

"Our company’s doing our best to supply the needs of the Filipino consumers," ani Green Cross group product manager Mariz Luis.

"We’re doing our best to be able to supply the current demand," ani Philusa President Neogin Evangelista.

Nauna nang sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez na hindi kailangan ng publiko na mag-panic buy o bumili ng bulto-bultong pagkain at panlinis sa harap ng dumadaming kaso ng COVID-19.

Bukod sa gobyerno, maging ang grupong Philippine Amalgamated Supermarkets Association ay nanawagan sa publiko na huwag bumili nang sobra sa kailangan.

IMPORTED FACE MASKS

Samantala, inaayos na ang pang-angkat ng 2 milyong piraso ng face mask sa India.

Dahil pumapatak sa P25 ang presyo ng imported face mask, lagpas sa P12 suggested retail price (SRP), ipapaalam ng DTI sa Department of Health kung puwedeng itaas ang SRP, ayon kay Castelo.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.