Babaeng papasok sa trabaho hinoldap; P70,000 halagang cellphone natangay

ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2020 08:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Pinaghahanap ngayon ang riding-in-tandem na nanutok ng baril at nangholdap sa isang empleyado sa Parañaque City.

Sa kuhang CCTV ng Barangay Don Bosco bandang alas-5 ng madaling araw noong Pebrero 28, makikita ang isang babae na nakaupo sa tapat ng bangko.

Inaabangan niya noon ang kaniyang katrabaho na kasabay sa pagpasok sa opisina. 

Maya-maya pa, may dumaang 2 lalaking sakay ng motorsiklo. Mapapansing inikutan siya ng motorsiklo, pero wala na ang angkas sa pagbalik nito. 

Huminto ang driver sa tapat ng babae, iyun pala ay bumaba na ang angkas at nilapitan ang babae mula sa likod. 

Nakipagbuno pa ang biktima, pero hindi na siya nakapalag nang tutukan siya ng baril at isubsob ng salarin. 

Mabilis na umangkas ang suspek sa nag-aabang niyang kasabwat atsaka sila tumakas. 

Bakas pa rin ang mga sugat ni alyas "Zel" dahil sa holdap. 

"Paglingon ko sa kabila, pahugot na siya ng baril... Nag-attempt akong tumakbo at hilahin 'yung bag ko kaya lang nahawakan na po niya ako sa leeg," ani Zel. 

Natangay ang cellphone ni Zel na halos P70,000 ang halaga.

Bukod sa mga sugat, trauma ang idinulot ng insidente kay Zel.

"Natulala talaga ako nung araw na 'yun, na-trauma ako nun, parang buong week ayokong lumabas."

Ayon sa barangay, may mga rumoronda silang tanod sa lugar pero nakasalisi ang mga salarin. 

Pinag-aaralan na ng mga pulis ang mga kuha ng CCTV para sa pagtugis sa mga holdaper.

—Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.