PatrolPH

Babae patay sa pananaksak ng lalaking ‘bangag sa solvent’

ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2020 05:21 PM

Patay ang isang babae sa San Pablo City, Laguna matapos saksakin sa dibdib ng isa umanong palaboy na bangag sa solvent.

Pauwi galing trabaho ang biktimang si Sheryl Perera, 36, nang bigla siyang sinunggaban ng 16 anyos na lalaking suspek sa may Barangay San Rafael, ayon kay Maj. Melisa Malayo ng San Pablo police.

Nakatakas umano ang biktima pero hinabol siya ng suspek at habang nagpupumiglas ay sinaksak siya sa dibdib.

Kahit may saksak sa dibdib, nagawa pa umanong makauwi ng biktima sa kaniyang bahay, na may layong higit 300 metro mula sa pinangyarihan ng krimen.

Nagawa din ni Perera na mailarawan ang suspek bago mamatay, ayon sa ina ng biktima.

Sa tulong ng isang testigo, nakilala at naaresto ang suspek.

Ayon kay Malayo, sinabi sa kaniya ng suspek na nakagamit ito ng solvent at hindi rin daw nito alam kung bakit nagawa ang krimen.

Sinampahan ng kasong murder ang suspek.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.