PatrolPH

4 na preso sa Mabalacat City, pumuga

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2020 12:57 PM

4 na preso sa Mabalacat City, pumuga 1
Isa-isang tumakas ang apat ng inmates mula sa kanilang selda sa loob ng Mabalacat City Police sa Pampanga matapos nilang lagariin ang steel bar sa gilid ng kulungan habang natutulog naman ang iba pang nakapiit doon. Larawan hango sa CCTV video ng Mabalacat City Police

MABALACAT CITY, Pampanga - Abala ngayon ang Mabalacat City Police sa Pampanga sa pagpapakumpuni ng kanilang selda matapos malagari ng ilang preso ang steel bars nito para pumuga Martes ng madaling araw.

“Meron din kaming tinitingnan na possibility na meron silang kasabwat sa mga kamag-anak nilang dumadalaw dito na maaring nakapagpapuslit nung ginamit nilang pang lagare,” ayon kay Col. Jean Fajardo, provincial director ng Pampanga Police Provincial Office.

Sa kuha ng CCTV, kitang nilalagari pa ng ilan ang ibabang bahagi ng kulungan at nang makalas ang isang steel bar, isa-isang lumabas ang mga preso na kinilalang sina Abelardo Miclat at Alberto Laxamana na kapwa huli sa kaso ng droga; at Alfie Dela Cruz, na arestado naman sa panggagahasa ng isang menor de edad.

Pero minalas ang isa sa kanila na si Teejay Castro, na sangkot sa illegal possession of firearms and ammunition, dahil agad siyang nahabol ng mga pulis habang tumatakas.

“Parang natukso na lang rin ako,” sabi ni Castro.

Depensa ng ibang inmate, wala silang alam sa nangyari.

Nangako ang pulisya na hindi sila titigil hangga’t naibabalik sa kulungan ang mga pugante.

“Tulungan n'yo kami na kumbinsihin yung mga mahal n'yo sa buhay na makakabuti na sumuko sila dahil hindi kami titigil hanggang hindi sila nakikita,” babala ni Fajardo.

Dahil sa insidente, natanggal sa puwesto ang hepe ng Mabalacat City Police habang kinasuhan na rin ng negligence ang duty jail officer.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.