3 netizens na nagkalat umano ng retrato ng COVID-19 patient posibleng kasuhan

ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2020 03:46 PM

LINGAYEN, Pangasinan — Tukoy na ng Pangasinan Provincial Police Office ang katauhan ng mga netizen na nag-post at nagpakalat sa social media ng retrato ng isang Filipino-Australian na positibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Sa imbestigasyon ng pulisya, 3 ang source ng impormasyon, at 2 rito ay taga-Lingayen. 

Paglabag daw sa Data Privacy Act ng isang pasyente ang ginawa ng mga netizen at maaari silang makulong at magmulta nang hanggang P2 milyon.

"Pareho silang babae... May batas na nagbabawal diyan, public health emergency tayo, so nasa mataas na level na ang public health concerns," ani Police Col. Redrico Maranan, provincial director ng Pangasinan police. 

Ayon pa sa pulisya, dahil ipinakalat ito sa social media, lumabag din ang 3 netizen sa Cybercrime Prevention Act of 2012. 

"Isa ito sa pinakamadaling i-trace, kailangan lang ng technology, nakita sa thread na pinag-usapan na siya talaga," sabi ni Maranan. 

Sabi ni Maranan, posible nilang kasuhan ang mga netizen na responsable sa pagpapakalat ng naturang pribadong impormasyon. 
 
Nasa ilalim na ng state of public health emergency ang bansa at pumapalo na sa 33 ang nagpositibo sa COVID-19. 

—Ulat ni Joanna Tacason, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.