Truck na nagtapon ng dumi ng tao sa kanal sa Maynila hinahanap

ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2019 01:45 PM | Updated as of Mar 11 2019 07:06 PM

Nag-alok ng P100,000 pabuya ang pamahalaang lungsod ng Maynila para sa makapagtuturo sa kompanya ng truck na pinaghihinalaang nagtapon ng dumi ng tao sa isang kanal sa Malate.

Hinahanap ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang driver, pahinante at operator ng truck na umano ay nagtapon ng dumi ng tao sa isang kanal sa Pablo Ocampo Street noong Pebrero 4.

Natuklasan ng mga awtoridad na dumi ng tao ang itinapon matapos ireklamo ng mga residente sa lugar ang masangsang na amoy na nagmumula sa kanal.

Nakuhanan ng closed-circuit television (CCTV) na huminto ang truck sa may P. Ocampo Street malapit sa Century Hotel pero hindi nahagip ng CCTV ang aktuwal na pagtatapon ng dumi ng tao sa kanal.

Hindi naplakahan ang truck na nagtapon kaya umaasa ang Manila City Hall na matutukoy ang mga responsable sa tulong ng mga residente. -- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.