PatrolPH

6 silid sa paaralan sa Itogon, nasunog

ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2019 06:33 PM

6 silid sa paaralan sa Itogon, nasunog 1

ITOGON, Benguet - Kahit Linggo, tulong tulong na nag-ayos ng mga makeshift classrooms ang mga guro, principal at mga magulang ng mga estudyante ng Midas Elementary School matapos masunog ang 6 na silid-aralan dito noong Biyernes ng gabi.

Sa lakas ng apoy, tumagal ng halos dalawang oras bago ito naapula.

“Malungkot po kasi nasunog po ang aming paaralan at nawala po ang aming maraming gamit” ani Diego Lubinto, isang Grade 5 student.

Naabo lahat ng kanilang mga gamit at tanging mga pader at bubong ng classroom ang natira. Ni isang libro, wala silang naisalba. Maging mga computer at files ng mga guro, wala na.

“Lahat ng mga files, yung mga issued computers at lahat ng files ng teacher, yung teachers guide, mga maps, lahat ng kagamitan sa pagtuturo pati office files, ani Gina Abanga, principal ng Midas Elementary School.

May mga nauna nang magpaabot ng mga tulong. Ang lokal na pamahalaan, agad na nagpatayo ng mga tent na pansamantalang magsisilbing silid-aralan ng nasa 142 na mag-aaral mula Grade 3 hanggang Grade 6.

“Siyempre disappointed po kami siyempre 'yung mga anak po namin inaalala po namin 'yung school nila para sa kanila at talagang mahirap lalo na at may mag-gagraduate pa man at masakit rin saming mga magulang na nangyari dito sa school,” ani Sherryl Johnson, isang magulang.

May mga extrang upuan namang ipinadala ang mga kalapit nilang paaralan. May mga pribadong indibidwal na ring nangakong magbibigay ng mga papel at school materials. 

Sa ngayon, pinakakailangan daw nilang tulong ay mga pinaglumaang computers at printers.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad pero hinihinalang naiwang mga nakasaksak na computers ang pinagmulan ng sunog.

Nitong Linggo, isa pang sunog ang naitala sa gubat na parte ng Gumatdang, Itogon, Benguet. 

Mula Enero ngayong taon, nasa 20 na ang naitalang forest fire sa Benguet.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.