Pera at paninda, tinangay ng dating empleyado sa tindahan

ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2018 07:26 PM | Updated as of Jan 10 2020 02:28 PM

Watch more in iWantTFC

Isang lalaki ang sinasabing nagnakaw ng pera at panindang nagkakahalagang P17,000 mula sa tindahang dati niyang pinagtatrabahuhan sa Sta. Mesa, Maynila.

Nakuhanan pa ng CCTV ang pagtakas ng suspek na si alyas "Anthony" matapos umanong magnakaw noong Martes, pasado alas-3 ng madaling araw.

Sinita pa ng mga barangay tanod sa Anthony, na sa kuha ng CCTV ay makikitang nakasuot ng face mask at may dalang malaking sako.

Pero sa pag-aakalang empleyado pa rin ng tindahan ang suspek ay nakaalis din agad ito.

Natuklasan ng may-ari ng tindahan na si Ramon Aganan kinaumagahan na tinangay na ang kaniyang pera at mga paninda.

Umabot sa P12,000 cash at P5,000 halaga ng paninda ang nakuha sa biktima.

Hindi umano ito ang unang pagkakataong nagnakaw ang suspek dahil noong Pebrero 14 ay natanggal siya sa trabaho dahil sa umano ay pangungupit, ayon sa isang dating katrabaho.

Naka-blotter na si Anthony sa barangay at may balak rin ni Aganan na magsampa ng reklamo sa pulisya.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.